Monday, November 27, 2017

Sa Piling Ng Muntik Nang Nawala

Ang blog ay parang kubeta. Nakadepende ang lahat sa plano mong isulat, sa plano mong atake, at sa paraan ng paggamit mo. Madaming gumagamit ng medium na ganito para sa marketing, pero madami pa rin ang gumagamit ng blog para maglabas ng sama ng loob. Sa linyang yan, matutugunan ng blog ang kasulukuyang disposisyon ko na matapos ang ilang taon ng namumukod-tanging pamumuhay para maging responsableng tao e marami pa ring sama ng loob ang sumisingaw sa mga butas ng katawan. Para bang himulmol ng tae na hindi ko nailabas noong unang panahon pa, o hibla ng pinya na kumapit na sa bituka na maya't mayang nagiging sanhi ng problema.
Ang blog ay parang kabit. Una kong kabiyak ang pormal na pagsulat para magpalimbag ng libro (at nagawa namang maitawid a long long time ago). Wala naman akong sinasabing hindi pormal ang ganitong medium. Pormal at pormal pa rin naman ito, mangyari lang na kung tutumbukin yung lohika ng tradisyonal na perspepsyon ng panitikan, masasabing medyo pang sideline yung ganitong channel. At paanong hindi magiging kabit kung napakarami ko na yatang blog na nagawa pero pagkatapos maglimbag ng manaka-nakang bilang ng mga entry e biglang iiwan ang proyekto kapag nakaraos na. Sundot-kalimot. Tawid-gutom. Tapos gawa ulit. Tapos sundot nanaman hanggang may maiputok sabay kalimot nanaman. Produkto ng juvenilia ang pagsulat ko dito. Kay sarap alalahanin noong mga panahon na hindi ako nauubusan ng sasabihin. Ratrat dito, ratrat doon sa puntong muntik ko nang paniwalaan ang sinabi ng tiyahin kong para akong pinakain ng pekpek ng manok. (Dear tita Lotlot, pormal na akong kumuha ng degree sa Malikhaing Pagsulat pero hindi ko pa rin maintindihan kung anong koneksyon ng kadaldalan ko at pagkain ng pekpek ng manok). Ito pala ang juvenilia sakaling may magtaka kung ano nga ba iyon. As I was saying. Kung ano na lang ang masabi ko dito. Yung ibang kwento e totoo, pero majority e kemerlu lang. Ekek. Mga 60 percent na bola. Hindi ko nga masikmurang basahin yung ibang entry dahil alam kong napakarumi nung iba. Well, wala akong magagawa (kahit mayroon naman talaga at hindi ko lang matanggal yung katamaran sa katawan). Nagpapasikat pa ako sa sarili noon, at nawalan na ng angas ngayon. Ilang talata pa nga lang ang sinisipat ko sa pagrereview, ramdam ko na yung hininga ng mga pinagkopyahan ko ng estilo sa pagsulat na hindi naman maikakailang may himas at impluwensiya ni Bob Ong, Eros Atalia, at yung hari ng "kwento sa looban," si Jun Cruz Reyes. Sa bagay, parang si Bob Ong lang yung kilala kong nakakatawang magsulat sa Filipino noong mga lalabintaunin pa. Ang lakas nga ng tama e. Kung hindi ako natuto maging kritikal sa ginagawa ko, malamang, sakal pa rin ako ng kamay ni Bob Ong sa leeg. Gusto ko kasi maging nakakatawa. Gusto ko maging happy. Pero never sumagi sa isip ko na mga 20% percent lang pala ako nakakatawa magsulat. O baka 10% lang. Perhaps 0%? Halatang pinipilit ko lang magpatawa, at lalong mas nakakailang dahil ngayon ko nakikitang contrived nga yung humor samantalang dapat naman talaga e natural iyon na lumalabas. Sa kabilang banda, tanggap ko naman na hindi ako pang humor. Dry na dry nga ako magsulat. Kapag nagbagsak ako ng linya na kahit ako e natatawa (buhat-bangko aside), mistula bang nadiligan ng patak ng tubig yung ekta-ektaryang tigang na lupa sa utak ko. Nakakahiya man aminin, seryoso talaga akong magsulat dahil sa mga nakahiligan kong basahin at saliksikin. I swear. Seryoso akong tao.
Pero balik tayo sa tema ng aking pagbabalik. Bilang kubeta at kabit, dumaan lang ako dito para umutot nang kaunti dahil gusto kong maglabas ng kaunting masamang hangin. Ayon nga sa paniniwala ng ibang alagad ng sining (parang may giyera lang), therapeutic ang pagsusulat. Kung paano magiging therapaeutic sa lagay ko ngayon, parang hindi ko masasagot dahil wala naman akong listahan sa utak ng mga kinaiinisang pangyayari na gusto kong sabihin. Kahit nga ako e nagtataka habang nagsusulat ngayon kung saan nga ba pupunta yung tema nitong entry. Ang alam ko lang, gusto kong muling kumapit sa aking kabit.

Saturday, November 28, 2015

Yung Eksena Sa Tuwing Naglalakad Sa Kalye

May perks din naman yung pagkokomyut araw-araw. Yung isa na dun e hindi ka gumagastos sa gasolina. Bobo lang ang taong magsasabi na masarap magkakotse kung kakarampot lang kita mo. Mas masahol pa sa aabutin mong kagat ng aso ang sakit ng ulong aabutin mo lalo na kung solo ka lang sa buhay. May katibayan ako. Anecdotal reference lang naman pero hindi pa ba sapat yung makisakay ka sa mga kaibigang may sasakyan papasok sa eskwela, papasok sa trabaho at magparito't magparoon sa gaalaan? Yung mga nakatambay sa kalye na dinadaanan lang ng mga nakakotse at masayang nangangarap na sila yung nagmamaneho e walang ideya kung magkano ang iluluwa mong pera para lang magpagasolina, magpaayos ng sira, magasikaso ng gasgas, magpalinis, magmentina, magbayad kapag may huli etc. Ako naman e komportable nang nakikisakay sa sakit ng ulo ng mga kakilala. Dumating din naman sa puntong nakakapagmaneho na ako ng sasakyan. Muntik na rin akong mabangga at makapatay ng limang pasahero. Pero hindi naman ako natrauma dahil sa muntikanang pakikipagkamayan kay papa Jesus. Yung trauma e yung gastos nga. Dumating sa punto na nagsawa rin at nakontento sa ginagastos na hindi hihigit sa trenta pesos na pamasahe. Mabuting may masasabing may drayber ka kesa ikaw yung nagmamaneho dahil sa sikip ng Pilipinas, sakit sa ulo maabutan ng trapik. Hindi mo naman pwedeng iwanan yung sasakyan sa gitna ng daan kung halimbawa e taeng-tae ka na at kakailanganin mong araruhin ang kahabaan ng trapik sa EDSA o Maynila sa loob ng apat hanggang anim na oras. Pero yung pinakamasayang perks ng pagkokomyut e yung pakikisalamuha sa hindi mabilang na mga tao. Yung iba sa mga nakakasalubong mo e nagiging familiar strangers -- mga taong nakikita mo makailang ulit sa loob ng isang linggo tulad sa sakayan ng bus, sa jeep, sa estasyon ng tren o kaya sa sidewalk. Minsan, kapag medyo maganda at talagang napapadalas yung mga pagkakataon na nagkakasabay kayo, talagang magkakaroon ka ng ganang pumasok sa trabaho, o kaya umuwi nang maaga depende sa oras kung kelan kayo nagtatagpo sa daan. Yun nga lang, yung mga ganung pagkakataon e hindi naman nagtatagal. Magkakasabay kayo at maghihiwalay ng landas nang hindi naman nagkakakilala. Isa pang magandang benefit e yung mga hardcore na eskena tulad ng mga sumusunod: Nagsusuntukang mga kalalakihan -- madalas drayber, pedicab drayber, drayber at pasahero, pedestrian na nabunggo, mga galing sa opisina, mga macho sa daan na hindi magkasundo. Nagsisigawang lovers -- mag-asawa, magsyota at M.U. na sa tindi ng kanilang damdamin e willing isuko ang kanilang kahihiyan dahil sa selos o kaya dahil hindi lang sumusunod ang isa sa gusto ni love. Mga eccentric -- medyo vague ito. Kapag sinabing eccentric, hindi naman talaga automatic na may sayad. Medyo lang. Halimbawa ako, papasang eccentric. Madalas ito yung mga taong walang pake at talagang bigya na lang magsasalita o kaya kakausapin ka out of the blue. Iba rin ito sa mga friendly. Kasi talagang weird itong mga ito dahil sa umpisa, akala mo matino ang mga siansabi at puna pero dumadating sa puntong wala nang kausap, tuloy pa rin. Parang ako. Feeling close -- mga friendly na tipo ng mga tao na talagang hindi magpapalampas ng pagkakataon na mag-initiate ng usapan kung makahanap ng pagkakataon tulad ng muntikang banggaan, aktwal na banggaan, yung makalampas sa trapik at makita ang sanhi ng hassle tulad ng aksidente o gitgitan, mga umaatikabong tulakan sa jeep o kaya sa bus, mga nakakatawang eksena sa tren tulad nang biglang pangangasim ng hangin dahil sa putok ng isang pasaherong bumaba, mga tambay sa suking vendor at marami pang iba. Mga lagalag -- ayokong isipin na lahat ng mga pulubi sa kalye e totoong pulubi. Yung iba e pulubi by choice kaya talagang mapapaisip ka sa lagay ng mundo kung makikilala mo ang bawat isa sa kanila. Yung mga bobo, sasabihing iisa lang yang mga yan kahit magkakaiba ang mga kwento sa buhay nila pero sa totoo lang, tulad nga ng paliwanag ko sa mga nakakausap tungkol sa 'isyu ng lipunan,' kondisyunal ang pagiging pulubi. Mga puki ng hindot na ama at ina -- ito yung mga nakakaburat sa daan tulad ng lasing na susundan ka sa paglalakad kahit wala ka namang suso at nakaumbok na etits, mga biglang sumusuka sa harap mo o kaya gumegewang-gewang sa pag-ihi na hindi mo malaman kung biglang haharap sa iyo kapag nakatyempo ka na mapadaan sa tabi nila. Yung iba dito e mga lintik na mga chikiting gubat na naghaharutan sa kalye, mga estudyanteng nagpapapansin sa isa't isa, mga punyetang empleyado ng kung anong opisina, mga ewan, mga lintik, mga surot sa kalye. Yung isisumpa mo kahit sampung beses ka nang namatay -- dalawa lang naman ito e -- yung nakasibliyan at yung nakaiuniporme.

Wednesday, September 30, 2015

Panibagong Yugto Ng Kaululan

Ang buong akala ko hindi ko na babalikan itong blog na to. Limang taon na yata ang lumipas matapos ako huling magpost dito. Mula dito, nakatatlong blog na ata ako na hindi ko na rin naasikaso. Siguro hindi ako blogger material na halos araw-araw may tinataeng ideya o masasabi. O baka wala na akong paki, o baka naging wise na ako kasi yung ang sabi sa internet. Nagiging wise ka na daw kapag nakokontrol mo na yung sasabihin mo kesa dakdak nang dakdak. Pero kapag tumitingin ako sa salamin, wala sa kanto ng mukha ko yung bakas ng pagiging wise. Bakas lang ng pagtanda. May kaunting guhit na sa gilid ng mata (kahit 28 lang ako), nanganak na yung dating balbas na balahibong pusa pa at tinubuan na ng bigote sa pisngi (o balbas, o balahabibo, o talahib, o whatever) na kada apat na araw kong binubunot dahil nakakairita. Nagtatrabaho na, chalk at blackboard pa rin ang nasa isip dahil palayo na nang palayo ang pangarap na makapagturo at... tada! MAKAPAGTAPOS. Balang araw, magsasalita ako tungkol sa frustration ko na hindi man lang natupad yung pangarap ko na mang bully ng estudyante. At ito ngayon ang lagay ko. Binuhay ang blog para magrant, o magkwento, o ano, o maghanap ng outlet para lang magsulat dahil sa dami ng ginagawa ko, hindi ako makakuha ng oras para maorganisa ang takbo ng utak ko at tapusin ang manuscript ng bagong libro. Oh well, digital papel. Nagparamdam lang. HELLO WORLD.

Thursday, July 8, 2010

Testing. Testing. Testiiiiiiiiiiiing

Testing lang ito sa bagong extension na inilagay ko sa browser ko.  Kung mangyari mang may magandang kahinatnan itong bagong kong kalokohan, baka mapagpursigihan ko nang ipost lahat ng drafts na ilang buwan nang huli.

Tuesday, May 19, 2009

Ang Manunulat

Ano bang pakinabang at silbi ng manunulat sa panahon ngayon? Isa lamang yan sa dinami-dami ng mga tanong patungkol sa importansya ng mga manunulat. Hindi lang yan naitanong ngayon. Kahit dati pa, nabanggit na ang tanong na yan. Pero ano nga ba ang pakinabang ng manunulat?

Sige, sabihin nating manunulat nga ako – madalas man magsulat o hindi, o kaya’y seryoso o pawang katarantaduhan lang ang ginagawa – basta sabihin nalang nating manunulat ako... hanggang pagbibigay kasiyahan lang ba talaga ang slbi ko? Tagagawa ng mapag-uusapan lang ba talaga ako -- ang tagapagbunsod ng pagsasanga ng mga usap-usapin? Isang panggulo? Inspirasyon? O isa ako sa mga kadahilanan na nagbibigay kabuluhan sa pagiging tao ng tao?

Isa ba akong sisidlan ng alaala? O database ng alaala na kung gugustuhin ng mga taong makita o salaminin ang nakaraan nila, hahanapin o babasin nila ang isinulat ko para masabing “Ah, nangyari na sa akin yan”, o mapatunayan nilang nabuhay nga sila at isa lamang sila sa libo-libong nakaranas ng naranasan ko – na nangyaring naisalin ko sa isang midyum...sa isang kwento? Isa ba akong sisidlan ng nakaraan? O ako ang nakaraan? Ang tagapagsalaysay ng ngayon? Ang tagahanap ng daan patungo sa bukas?

Ako ba talaga ay manunulat? O ako ang isinulat? Ako ba ang naglalabas ng isang kapaki-pakinabang na produkto gamit ang panulat – ang katha ng isip na pinagyaman ng imahinasyon at kalingan – o ako ang ikinatha ng samu’t-saring aspeto at pangyayari sa paligid: Ang politika, ekonomiya, relihiyon at iba’t-iba pang usapin ng ngayon at kahapon? Ako ba ang isinulat at sumusulat? Ang salamin ng repleksyon?

Ano ako sa gitna ng kawalan. Ako ba ang titik, ang salita, ang kapangyarihan at kultura. Ang teksto/naratibo, ang teorya, ang sagot, ang problema. Ang simula at katapusan ng kritisismo – ang kalaban o kakampi ng kritiko, o marahil ang pareho.

Ako ba na manunukat, ang kinatawan ng pinagsama-samang kaisipan at misteryo ng santinakpan?

Thursday, May 14, 2009

Magbasa Ka Kasi

Andami kong libro. Sa katunayan amoy pinaghalong luma at bagong papel ang kwarto ko. Nagkalat ang mga photocopied prints at leaflets at hand-outs at resibo. Tinawag ko na ngang paper kingdom ang kwarto ko dahil sa kahit anong sulok mayroong papel. Siguro, kapag sinugod ang bahay namin ng anay, mag-eenjoy sila ng husto sa kwarto ko pero huwag naman sana.

Gusto ko kasing magkaroon ng pansariling aklatan. Library sa ingles. Gustong-gusto kong mag-imagine na napapaligiran ako ng libro sa pagtulog. Libo-libong libro. Mga nabasa na, mga hindi pa nababasa at hindi na mababasa.

Ang sarap magbasa. Hindi ko na ieeksplika ang nararamandaman ko o kung ano pang dapat na maramdaman kapag nagbabasa. Basta may katharsis. Ecstacy. Kasiyahan. Kaya minsan, nang tinamaan ako ng topak -- yung malaki at matindi -- inisip kong dapat lahat ng tao ay matutong magbasa. Kung hindi ko man makitang lahat ng Pilipino sa bansa eh nagbabasa ng libro mula sa madali hanggang sa matinding antas ng hirap, kahit papaano, dapat magawang impluwensyahan ang mga tao sa paligid ko.

Ang unang minalas eh yung girlfriend ko na walang kamuwang-muwang sa mangyayaring pagbabago sa buhay niya dahil naisip ko lang na dapat siyang magbago. Siya ang unang naging eksperimento. Pero inisip ko nalang na sa ikabubuti niya naman iyon. Naalala ko yung ibang mga taong pinasok ang buhay sa akademya, pagsasaliksik at pagusulat. Ginawa rin kaya nila ito sa mga anak at misis o mister nila? Basta iginiit ko nalang sa aking sarili, sa ikabubuti rin niya ito.

Ang hirap palang pagbasahin ang isang taong walang hilig sa pagbabasa. Yung unang mga buwan nauuwi kami sa away. Umabot na rin sa punto ng hiwalayan -- Dahil lang sa libro at pagbabasa. Sa dinami-dami ng problema, nalampasan naman niya ang eksperimento. Ang minsang topak na naging trahedya, sa huli, nauwi sa himala. Himalang-pilit o bubot. Pero himala pa rin. Nakatapos siya ng walong libro. Enjoy din naman daw siya, pero hindi pa rin tapos ang kalbaryo naming pareho dahil sa ginawa ko.

Ang sumunod na biktima eh yung kaibigan kong photographer na hindi maiiwasang mas mahilig sa pelikula at pictures. Retratista nga eh. Pati siya, pinilit kong magbasa. Subtle muna yung mga una kong galaw. Aayain ko sa sine, tapos gala, tapos bago umuwi, diretso sa bookstore. Basta sa lugar na puno ng libro. Tapos magkukwento ako sa kanya ng mga pelikulang ibinase sa libro. Sinabi ko lahat, pati yung mga galit, pagka-asiwa o tuwa sa mga ganoong sistema kapag iniiba ng direktor o writer yung kwento, o yung ibang detalye sa orihinal. Minsan nagtatalo kami, minsan nagkakasundo. Basta nagulat nalang ako minsan, bumili siya ng isang set ng libro. Makakapal. Hindi ko alam kung dahil sa akin basta naisipan niya nang magbasa. Ginastusan niya talaga yung libro dahil umutang pa siya para lang doon. The Twilight Saga. Ang kakapal nga! Sa huli, "nice" nalang ang nasabi ko sa dinami-dami ng pang-uurat at pangungutya ko.

Tapos ngayon, yung mga pinsan ko naman mga bata ang naisipan kong turuan. Naisip ko kasing bilang tao, hindi sapat na matuto ka lang. Kinakailangang pagyabungin ang talino at kalingan hindi lang sa indibidwal na paggawa o pagsasakilos. Kinakailangan ding ipasa ang kaalaman. Parang batp-balani sa akin ang ideyang may alam ang mga bata sa pagbibigay ng importansya sa libro at pagbabasa. Kahit textbook, pocketbook, diyaryo o ano pa ang binabasa nila. Basya matutunan nilang ma-appreciate ang mga bagay-bagay na makukuha sa pagbabasa.

Gusto ko tuloy ibunton ang sisi sa internet at telebisyon minsan. Ang lakas ng makatawag-pansin. Sino nga bang hindi makakaiwas sa lakas ng dating ng mga networking sites at iba pa laban sa 'mukhang bring' na babasahin? Makulay kasi. Nakakenganyo ang napakaraming kulay. Mas masarap sa mata ang makakita ng kulay kaysa sa black in white. O iniisip lang natin? Gusto ko, at ginugusto, na malaban ng mga bata -- kahit sinong bata pati mga pinsan ko -- ang katamaran dahil kinakailangan ng disiplina at matinding determinasyon ang mga unang antas/panahon ng pagbabasa. Kinakailangan ibaon sa sistema ng mga bata ang matrabaho at masigasig na paghahanap sa katuturan ng pagbabasa. Kinakailangan kalabanin ang katamaran para malabanan ang kamangmangan dahil naniniwala akong kahit sinong tao, nakapag-aral man o hindi, e may matuto para sa kaniyang sarili't makakukuha ng talino basta't marunong magbasa.

Komplikado nga kasi ang pagbabasa kaya mahirap ito ituro. Biruin mo, ang dami-daming teorya sa pamamaraan ng pagbasa. Madami ring paraan ng pagkuha ng interpretasyon, talinghaga at ibig sabihin ng mga bagay-bagay na napapaloob sa isang teksto/naratibo. Dinamiko ang pagbabasa. At sa panahon ngayon, iniisip kong dapat pang pagyabungin at hanapin ang importansya ng pagbabasa dahil bahagi ito ng buhay. Hindi matatakasan ang katotohanang ito dahil sa huli, hahabul-habulin rin tayo ng multo ng pagbabasa sa kahit anong pagkakataong mahanap nito.

Hanggang ngayon, hinahanap ko pa rin ang mga malalakas na punto at butas sa eksperimento ko dahil. Nasiguro ko lang na hindi pwedeng isaksak sa kokote ng tao ang importansya at practice ng pagbabasa. Kailangang matutunan niya iyon sa sariling pagsusumikap. Kailangang makita ng sarili ang kaluluwa ng mga teksto, letra at salita sa sariling panahon at paghihirap. Ang tanging magagawa ko lang eh magbigay impluwensya sa marahan o agresibong pamamaraan.

Sunday, May 10, 2009

Bakpayr II

Ang sabi ko nung nakaraan sa kausap ko, mas kapaki-pakinabang pa ang mga sinasabi ng mga intelektwal dahil masigasig sila sa pagtuklas ng mga bagay. Ultimo ang chalk na hindi mo kakikitaan na substansyal na kaisipan eh nabigyan nila ng eksplinasyon at naiugnay sa pangyayari sa paligid. Ang sabi ko pa, iyun ay dahil sa walang telebisyon, radyo, sinehan, magagara at komplikadong pagsasalarawan ng mga bagay gamit ang kompyuter at midyum sa media – in short, hindi pa maunlad ang teknolohiya. Sinabi ko pang dati, dahil hindi nagagawang maibahagi ang kaalaman sa mas madaming tao, napipilitan ang isang indibidwal na hanapin para sa kaniyang sarili ang kaisipan, pilosopiya at dahilan sa likod ng mga bagay-bagay. Walang internet para i-share sa ibang tao na marahil kapareho niya ng pag-iisip ang mga bagay na natuklasan niya. Wala ang T.V. o cellphone na mas magpapadaling kalkalin kung anong makalkal, kalikutin ang makakalikot -- at nang sa gayon ay mapagbuklod ang tagping-tagping katotohanang nahahalungkat ukol sa mga paksa, maliit man o malaki.

Siyempre istir nanaman iyon. Sinabi ko lang na nabasa ko sa isang libro, pero sa totoo lang gawa-gawa ko lang yung teoryang iyon. Sa panahon ngayon, kailangan mo ng malakas na backer tulad ng telebisyon, diyaryo o ano mang delibyong tutulong sa iyo para lang paniwalaan. Kasi kapag sinabi mo namang pansarili mong kaisipan yung mga malalim na bagay, tatawagin ka kaagad na 'deep' at ipaparis ka sa mga taong bansag na nerd. Mga social-outcast na matatalino sa math, linguistika o ano. Sasabihin nilang simple lang ang buhay pero pinapakomplikado ng mga katulad mo. Pero nais ko namang sabihin, nagka-utak ka pa kung hindi mo rin pagaganahin. Sayang ang oras, sa loob ng isang araw eh mayroon kang 24 oras para mag-isip, tangina ng magsasabing punung-puno ang sked ng araw niya para mag-isip dahil sa loob ng ilang putok ng segundo, kung gugustuhin mo, kakayanin ng utak mo ang matinding bugso ng kaisipan, yung tinatawag nga nilang 'deep' na kung tutuusin eh maiisip ng kahit sino. Tapos ano naman ang sasabihin ng iba? Mas dapat unahin ang kahirapan? Sus, wala ring pinagkaiba ang pananatili sa ganoong pag-iisip sa paniniwalang mahirap ang Pilipinas dahil sa dami ng sumakop sa atin. Tayo ang problema. Bilang indibidwal, mahilig tayong gumawa ng excuse para mag-isip. Para ibunton ang sisi sa iba, at mabaling ang pagsisisi palayo sa ating mga sarili. Pero hindi yan ang nais kong sabihin.

Tungkol ito sa istir. Sa kakagawa ko nga ng kwento, kinakailangan ko pang gumamit ng tekstwal o kahit anong basis para lang mapaniwala ang mga tao. Mahirap na kasing magtiwala ngayon sa sinasabi ng iba dahil sabi nga, walang na orihinal na konsepto ngayon. Totoo ba iyon? Habang patuloy na tumtakbo ang panahon, nagbabago ang mga bagay-bagay. Walang nanatili sa iisang panahon. Kahit ang ‘defamiliarizing’ na teksto ayon sa mga Ruso eh nagbabago, no defamiliarizing method remains defamiliarizing in a particular period ika nga, may bagong teknik ngayon, pero hindi yan bago parati, babaguhin din yan ng iba, kakalabanin o i-mo-modify o ano pa man. Tapos magbubunga ulit ng bago. Parating may ‘defamiliarizing’ sa buhay ng tao. Gigibain ang pananaw mo ngayon, tapos may ibang mabubuo, tapos magigiba ulit. Umiikot lang hanggang masabi mong tao ka nga kasi napapaisip ka ng mga ganitong bagay galing sa klase ng media re/presentation na nag-expose sa iyo ng mga ganitong bagay o klase ng sining na nagpakita sa iyo ng kung ano.

Siyempre yung mga intelektwal noon, hindi kailangan ng kung anong basis para majustify lang nila yung sinasabi nila gamit ang iba’-ibang prinsipyo ng argumento at pilosopiyang pang-agham, estetika/kultura, relihiyon o kung ano. Basta may self explanation/supplication na malupit. Tapos makakagawa sila ng matinding disertasyon, makakapal na libro ng ekplinasyon nila tapos yung basis mismo nila, hindi yung pang-intertekstwal – yung tipong gagamit ng ibang libro o sinabi ng iba mula sa iba’t-ibang midyum para maidiin lang yung iginigiit nilang isipin ng tao o ng kakontemporaryo nila, basta may pang-unawa (eh hindi ba’t lahat naman ng taong ‘normal’ eh may pang-unawa, kaya siguro sa lahat nila ina-address yung mga sinasabi nila. Iyon nga, yung ginagawa ng mga palaisip noon eh gumagamit ng basis para tirahin/siraan yung sinasabi ng iba. Tapos iikot ang argumento. Maglalaban-laban. Mula sa thesis, bumuo ng anti-thesis at nagkaroon ng synthesis sa kung paanong himala na may responsableng mambabasa palang nakakita ng kaagnuyan ng mga pinagsasabi ng ibang intelektwal laban sa isa’t-isa. Lalong magiging komplikado at mag-iibayo pa ang usapan.

Isipin mo nalang kung yung mga bagay pala na iyon eh nagsimula sa pang-iisitir. Nagsimula sa malaking kalokohan na pumatok sa iba, at bilang responsableng tao na ayaw ng pabigat sa konsensya dahil dinibdib nga ng iba yung sinabi nila, siyempre dinibdib din nila. Nakakita yung mga palaisip na pwedeng ipang-istir, tapos lolokohin nila yung sarili nila. Kapag nakumbinse na nila yung sarili nila sa sariling panloloko, gagamitin nila sa iba at magbubunga ng makakapal na desertasyon at argumento.

Paano nga kaya yung mga sinabi ni Bentham tungkol sa utilitaryanismo eh galing lang pala sa stir? Yung sinabi ni Saussure tungkol sa mga ‘signs’ e galing sa isang higanteng joke ng utak niya sa sarili? Eh yung mga sinabi ni Sarte tungkol sa eksistensyalismo – na naisip niyang joke para makumpirmang buhay nga siya? Yung mga pormula nila Descartes, Babbage, Pascal, Newton o Einstein? O yung mga sinabi nila Freud o Berne, yung mga teorya nila Marx o Aristotle o Baudrillard, sila Greenblath o Ghandi at Pope John Paul II? Paano kung kaistiran lang pala iyon? Hindi ba’t kung iisipin eh mas nakakatuwa. Kaysa paniwalaang produkto sila ng matatalino at matalinhagang utak na biyaya ng diyos kamo. Mga tanglaw sa likod ng madilim at malagim na kaisipan ng pantao. Lahat tayo eh may kapasidad mag-isip, at least, sa paniniwala ko. Parang nakakatuwa kung lahat tayo eh nag-iimagine ng pwedeng i-stir na balang araw, magbubunga ng kakaibang bagay… Na totoo ngang may mga bagay na kaseryo-seryoso sa likod ng mga kalokohan.